Riyadh - Bihira pra sa isang samahan ang nagtatagal, lalong dumarami ang mga miyembro na tila punong kahoy na tuloy ag pagyabong pero hindi pinupukol dahil sa mabuting mga layunin. Ganito ang Pinoy Netters Club 102 (PNC102). Umabot na ang grupo ng limang taon mula ng pagkakatatag noong 2002 at lalong nadagdagan ang mga gustong sumali. Mula 11 ay umabot ito ngayon sa mahigit 100 kasapi.
"Layunin ng samahan na magkaroon ng tennis club na magbibigay sigla sa pagkakaibigan ng mga manlalarong Pilipino sa Riyadh at upang buksan ang puso ng bawat isa sa kahandaang tumulong sa boluntaryong paraan," sabi ni Albin Guinto, ang unang Pangulo ng club. Namumpa sa katungkulan ang mga bagong opisyal ng PNC102 noong nakaraang Biyernes sa Siteen Hotel. Si Attache' Rosario Malicse ang Inducting Officer at panauhing pandangal si Vice Consul Roussel Reyes.
Sa pagbabalik-tanaw ni Guinto, nagsimula umano ang grupo mula sa kanya, kay Gem Beringuel, Edwin Peleo at walong iba pa na siyang nagbalangkas ng batas at panuntunan ng club. "Sa ngayon umabot na sa halos 150 members ang samahan sa nakalipas na limang taon samantalang boluntaryo ang paraan ng pagtanggap ng mga nais sumali," dagdag pa ni Guinto.
Mula sa pinakaunang tournament noong Enero 2003, ang 1st Pinoy Double's Challenge, nasundan agad ito ng Pinoy Cup na ngayon ay kilalang "Sinag Pinoy" bilang pagbibigay pugay sa kasarinlan ng Pilipinas. Kabilang din ang Mabuhay Cup na naging Bayanihan Cup, na itinuturing na anniversary tournament ng PNC102.
Nagsagawa din ng Tennis Clinic nag PNC102 sa mga nais matuto at mahasa ang kasanayan sa larong"minahal" na nila. Taunan ang pagdaraos ng nominasyon at halalan ng PNC102. Sa nakaraang edisyon ng "Pinoy Halalan" tumayo bilang Chief Electoral Officer si Peter Rosul sa tulong ng mga commissioners na sina Al Gatbunton, Rino Larena at Ernest Lorenzana.
Tumaon sa Bonifacio Day ang ginanap na paggagawad ng Bayanihan Cup, ang anniversary at pagtatalaga sa mga bagong kasapi at opisyal ng PNC102 sa taong 2008. Inilipat ni Guinto ang panguluhan kay Dodie Vizcarra. Sina Bernie Ustani at Bong Bueta ang mga bise-presidented Internal at External. Kalihim si Angel Jarobel, Ingat Yaman si Raffy Uy. Maliban kina Guinto, Vizcarra, Bueta, Ustani at Uy, ang bumubuo ng Board of Directors ay sina Richard Villanueva, Angel Aniag, Vic Capulong, Max Lopez, Ver Rubio, Ardie Dioso, Ernan Santiago, Neal Perez, Edgar Estoesta, at Willy Nicolas.
Maliban sa mga proyektong nabanggit, nabuo din ang "Kusang Palo" isang paraan ng pagtulong at walang hinihintay na kapalit. "Ito ay boluntaryo sa parter ng mga manlalaro na nais makatulong sa isang institusyon o indibidwal," paliwanag ni Guinto. Sa loob umano ng limang taon hindi matatawaran ang kontribusyon ng lahat ng nagmamalasakit sa Pinoy Netters. Tulong pinansyal ang ipinagkakaloob ng grupo sa Bantay Bata 163 taun-taon at Golden Acres Home for the Aged na nabisita na rin nila sa loob ng dalawang taon.
Naging mabilis din umano ang pagtugon ng PNC102 sa mga nasalanta ng bagyo sa Pilipinas at maging pagtulong sa mga kapwa OFW na tumakas mula sa kanilang mga salbaheng amo. Naging bahagi din ang PNC102 sa pagtulong sa mga kapwa OFW na sina Gabby Baltazar at Robert Miranda na nagkaroon ng malubhang karamdaman at tulad din ng pag-alala sa mga kasamahang sumakabilang buhay sa pamamagitan ng "Palarong Alay" para sa mga naulila nina Frank Villahermosa at Nonie Adrineda. At ang pinakahuli, ang padalawa ng pamunuan ng PNC102 sa Bahay Kalinga para maghatid ng tulong sa mga kababaihang OFW.
"Tunay na hindi matatawaran ang mga sama-samang pagtutulungan," sabi ni Jun Florez, PNC102 member. Di naman nag-atubiling sumali sa grupo si Rey Atienza noong unang slata niya sa Riyadh mula Abha, dahil umano napanood niya ang Pinoy Netters sa The Filipino Channel (TFC) at ang mga proyektong isinasagawa ng club.
Ang kasiyahan ng samahan at tulungan ng bawat isa ang nakita ni Jason Arca, apat na buwan pa lamang sa Riyadh at "first-timer" sa PNC102.
At bilang pagkilala sa mga nagawa ng samahan ilalabas ng club ang isang yearboook sa susunod na taon kung saan ang mga larawan ng lahat ng kasapi, panulat at lahat ng mga kaganapan sa loob ng limang taon ng pagkakatatag ng samahan ay mababasa at makikita.
"Patuloy pa rin kaming tutulong sa iba pang institusyon sa Pilipinas kung saan ang pagpili ay mula sa mga mungkahi ng mga kasapi ng PNC102," pagtatapos ni Guinto.